BREAK MUNA!
Wednesday, 20 June 2007 | By Mike | Category: Blab, Musings, Et Al, General, Glorious FoodThis post is a response to an ‘online meme’ started by Toni over at Wifely Steps, hence the language/dialect (Pilipino or Tagalog) it is written in. To those who would want to read the English version, drop me a line please. Thank you.
“Sige nga, susulat ako at makasali na din!” Yan ang aking sagot kay Iska nang kaniyang ibalita sa akin ang isang nakakatuwang pagsusuri (survey) na sinimulan ni Toni ng Wifely Steps. Teka, papaano nga ba natin ita-Tagalog ang ‘Wifely Steps’ . . . ?
Tiyempong-tiyempo din ang paggamit ng sariling wika dahil kamakailan lamang – 12 Hunyo 2007, ay nagdiwang ang ating bansa ng kanyang ika-isang daan at siyam na anibersaryo ng kasarinlan (109th Independence Day). Ito ay isang pagpupugay sa ating pagiging tunay na Pilipino.
Sige, break muna! Baka ako masiraan ng ulo dahil maghapon na din akong nagsasalita at nagsusulat sa wikang banyaga (Ingles). Sasagutan ko muna ang mga katanungang inilathala ni Toni sa kanyang ‘blag’ o blog (na ang gamit ay ang sariling wika) at para naman ma-iba din ng konti ang nilalaman ng aking sariling ‘blag.’
Narito ang aking mga kasagutan sa pagsusuring ito . . .
Ano ang iyong almusal kanina?
Sinangag na kanin sa bawang, tortang itlog at patatas, tira-tirang adobong baboy at manok, sariwang katas ng pinya, kapeng barako, at hinog na mangga.
Ikaw ay may itlog – nilagang itlog. Paano mo ito kakainin?
Hihiwain ko ito at sasamahan ng hiniwang kamatis at sabay bubudburan ng konting asin bago kainin kasama ng bagong saing na kanin.
Ano ang paborito mong local na junkfood?
Kropek, kropek, at kropek pa!
Ikaw ay kinuhang TOP CHEF sa isang engrandeng pagtitipon. Ano ang iyong ihahain sa mga bisita? (Note: Ang mga pagkain na ihahain mo ay ang mga alam mong lutuin. Bawal magsinungaling!)
Yaman din lamang na sa Tagalog ang pagsusuri na ito, ang naisip ko na ihain sa aking mga bisita sa isang engrandeng pagtitipon ay pawang mga pagkaing Pilipino tulad ng sumusunod:
Ensalada (Salad): Ensaladang Pako na may tinadtad na pulang sibuyas at hiniwang pa-kwadrado na kamatis; Ensaladang Itlog na Maalat na may hiniwang kamatis at pipino.
Sopas (Soup): Pesang Maya-Maya. Ito ang aking bagong paborito na luto sa isda. Hindi ako mahilig sa ‘basang’ isda pero simula ng ito ay aking madiskubre, madalas ko na ito lutuin. Isa pa masarap ang sawsawan ng salin ng luto na ito. (Dacal pung salamat, Cabalen Karen!) Pangalawang sopas na lulutuin ko ay ang Sinigang na Baka.
Main Course (Ano’ng Tagalog nito?!): Pinakbet, Kalderetang Baka, Adobong Baboy, Relyenong Bangus, Inihaw na Baboy, Embutido, Pancit Guisado, Lumpiang Ubod . . . Engrande, ‘di ba?!
Panghimagas (Dessert): Turon na Saging at Langka, Minatamis na Saging, Halo-Halo, Ginataang Bilo-Bilo, Leche Flan, Suman at Mangga, at Sorbetes!
Kung ikaw ay makakain sa restaurant ngayon din, saang restaurant ka pupunta at bakit?
ABE sa Serendra. Basta, masarap kasi ang pagkaing Pilipino dun!
Saang restaurant mong gusto makapunta, pero di ka lang nakakarating pa?
Casa Armas. Naka-tikim na ako ng mga pagkain na galing dito sa mga ilang handaan na napuntahan ko pero gusto ko pa ring makarating doon para matikman pa ang ibang pagkaing Espanyol.
May pizza sa harap mo. Ano ang ayaw mong makitang topping sa pizza mo?
Buhok at langaw!
Ano ang madalas mong orderin sa Jollibee?
Jolli Spaghetti, Chicken Joy at Burger. Yum!
Paano magluto ng Sinigang? Marunong ka ba?
Oo, marunong akong magluto ng sinigang dahil ito ay isa sa mga paborito ko na ulam. Narito, pindutin nyo ang ‘link’ na ito upang inyong matunghayan kung papaano lutuin ang salin (version) ng aking sinigang.
Ikaw ay may fried chicken sa harap mo. Ano ang dapat niyang kapartner para masarap ang kain?
Kung kasamang sawsawan, WALA! Kasi hindi ako mahilig gumamit ng maski anong sawsawan para sa pritong manok. Mas gusto ko na nalalasahan ko ang timpla at natural na linamnam ng manok.
At kung talagang kailangang may ka-partner naman ng pritong manok para mas masarap pa ang kain, gusto ko ng bagoong na alamang na may kalamansi o kaya toyo at kalamansi, tira-tirang ininit muli na adobo, at ginisang gulay.
Kumakain ka ba ng dinuguan? Alam mo ba kung saan ito gawa?
Dati, kumakain ako nito pero hinintuan ko matagal nang panahon ang nakakaraan. Alam ko din kung anu-ano ang mga sangkap nito.
O, kayo dyan, sali na rin!
Break muna!

Image from blaugh.
